-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Naispatan sa Boracay ang ilang Korean celebrities na ini-enjoy ang magandang beach, sunrise, at sunset patunay ng kasikatan ng isla sa mga Koreano.

Ilan sa mga ito ang kilalang actor na sina Kwangil Seo at Kim Dong Won ng global phenomenon na Squid Game.

Kinumpirma ng may-ari ng Jony’s Beach Resort na namalagi ang mga ito sa kanilang resort sa Station 1 sa loob ng limang araw at apat na gabi.

Sa kabilang daku, ikinatuwa ng mga hotel and resort owners sa Boracay ang patuloy na pagtaas ng kanilang occupancy rate na umaabot na umano sa 90 percent tuwing weekend at may average na 75 hanggang 80 percent tuwing weekdays.

Umabot na sa mahigit sa 1.17 milyon ang mga turistang bumisita sa Boracay simula Enero hanggang Agosto 27, 2022.

Simula nang buksan ang border ng bansa noong Pebrero 10 hanggang sa kasalukuyan, nakapagtala ng 53,718 na foreign tourists.

Sa naturang bilang, 20,984 ang nagmula sa South Korea kasunod ng pagkakaroon ng direct flight mula Incheon airport papuntang Kalibo International airport.

Dahil dito, muling nagsulputan ang mga Korean restaurants sa isla na dati nang nagsara dahil sa pandemya.

Noong 2019 bago ang pananalasa ng COVID 19 pandemic, nasa 2 million ang tourist arrivals sa isla, kung saan pumapangalawa ang mga Koreano kasunod ng mga Chinese.