ROXAS CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng militar ang ilang kandidato sa Region 6 na tumatakbo para sa nalalapit na May 2019 midterm elections na sumusuporta umano sa rebeldeng New People’s Army (NPA).

Ito ang inihayag ni Lt. Col. Joel Benedict Batara, ang commanding officer ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.

Bagama’t hindi pinangalanan ay kinompirma ng opisyal na base sa kanilang nakalap na impormasyon ay mayroong mga political aspirants sa rehiyon na kumpirmadong sumusuporta sa rebeldeng grupo.

Maliban dito ay kanila ring iniimbestigahan ang pagpapadala umano ng extortion letters ng mga rebelde sa mga mga kumakandidato sa nalalapit na eleksiyon.

Pinapayagan lamang umano ng mga rebelde ang mga kandidato na kumampanya sa mga lugar na itinuturing na ‘red areas’ kapalit ng pera.

Ipinasiguro rin ng opisyal na mananagot ang sinumang kandidatong mapapatunayan na sumusuporta sa rebeldeng NPA.