BAGUIO CITY – Nararanasan na ang oversupply sa mga gulay na nanggagaling sa Benguet at mga karatig lalawigan na nagdadala ng mga produkto sa mga trading areas sa La Trinidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Agot Balanoy, manager ng Benguet Farmer’s Marketing Cooperative, sinabi niya na epekto ito ng nararanasang habagat.

Aniya, apektado ang mga pananim na mga gulay lalo na ang mga leafy vegetables gaya ng repolyo at wombok na madaling mabulok.

Paiba-iba aniya ang wholesale price ng mga nasabing gulay kung saan kahapon ay P5-6 lamang ang bawat kilo ng repolyo habang P15 hanggang P30 lamang ang mga carrot.

Sinabi din niya na problema nila ang nabawang bilang ng mga buyers sa Manila na bumibili sa mga gulay na nanggagaling dito Benguet.

Samantala, pinag-iingat ng Department of Health (DOH)-Cordillera ang mga residente sa rehiyon mula sa mga rainy day illneses kung saan mahigpit nilang binabantayan ang mga kaso ng dengue fever, leptospirosis, influenza at hand, foot and mouth disease dahil inaasahan na nilang tataas ang bilang ng kaso ng mga nasabing sakit tuwing tag-ulan.

Batay naman sa monitoring ng Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CRDRRMC), patuloy din ang pagbantay ng mga local DRRM Councils sa nasasakupan ng mga ito lalo na sa mga residente na nakatira sa mga landslide at flashflood-prone areas sa rehiyon.

Binabantayan din ang lebel ng tubig sa mga malalaking ilog sa rehiyon na posibleng magdulot ng pagbaha sa mga apektadong lugar.

Iniapela pa nila ang preemptive evacuation ng mga residente sa Cordillera na nakatira sa mga delikadong lugar dahil sa banta ng pagguho at pagbaha.

Samantala, nananatili namang nakasara sa mga motorista ang tatlong kalsada sa rehiyon, partikular ang buong Kennon Road, ang Busa Section ng Baguio-Bontoc Road sa Sabangan, Mt. Province at ang Matteled Section ng Tabuk-Banaue Road sa Dupligan, Tanudan, Kalinga.

Aabot naman sa 13 na kalsada sa rehiyon ang one-lane passable dahil sa pagguho ng lupa at mga bato at pagkasira ng mga kalsada.

Pinag-iingat din ang mga motorista dahil sa nararanasang zero visibility sa karamihang kalsada dito sa Baguio, Benguet at Mt. Province dahil pa rin sa sama ng panahon.