-- Advertisements --

NAGA CITY – Mas lalo na umanong naging agresibo ang mga raleyista sa Beverly Hills, Los Angeles, California.

Ito’y kasabay ng kaliwa’t kanang mga kilos-protesta laban sa kapulisan matapos mamatay ang black-American na si George Floyd.

Sa report ni Bombo International Correspondent Virgie Contreras, sinabi nitong agad na nagpatupad ng state of emergency sa buong lugar si California Gov. Gavin Newsom dahil sa tensyon.

Ayon kay Contreras, ilang malalaking mall ang pinasok na ng mga tao at pinagnakawan.

Ang iba naman aniyang mga gusali ay sinunog na ng mga ito.

Kaugnay nito, isa aniya sa ikinakatakot ng mga tao na magsagawa na rin ng agresibong hakbang ang mga otoridad dahil sa lumalalang girian.

Maliban dito, nababahala na rin aniya ang mga otoridad sa posibilidad na lumobo pa sa mga susunod na araw ang kaso ng Coronavirus Disease-2019 (COVID-19) sa Estados Unidos dahil sabay-sabay ng paglabasan ng mga tao na sumasama sa mga rally mula sa iba’t ibang estado.