-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy ang ground search ng dalawang team ng Local Government Unit ng Divilacan, Isabela sa Site Alpha sa kabila ng masamang lagay ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Engr. Ezikiel Chavez ng Divilacan na dahil sa umuulan at sobrang lamig sa lugar ay umuwi muna ang isa nilang team dahil nagkakasakit na ang ilan sa kanila habang naiwan ang dalawang team.

Maulan aniya sa lugar at nababalutan ng ulap ang kabundukan bukod pa sa madulas ang dinadaanan ng mga rescuers sa site Alpha.

Sinabi ni Engr. Chavez na narating na ng Team Charlie ang Site Alpha ngunit napakalawak ng lugar na kanilang gagalugarin.

Balakid din na makita ang white object dahil sa makapal na ulap na bumabalot sa kabundukan.

Bukod sa team Charlie ng pamahalaang lokal ng Divilacan ay maaring nakarating na rin ang mga kasapi ng Philippine Army sa nabanggit na lugar.

Samantala, nangako naman si Mayor Venturito Bulan sa mga katutubong Dumagat na bibigyan sila ng pabuya kapag nahanap nila ang nawawalang cessna plane.

Ang sampong Dumagat ay nagsimulang maghanap kahapon kung saan binigyan sila ng mga kailangang pagkain at gamit maging ang handheld radio.