Hinimok ni dating Health secretary Dr. Paulyn Jean Rosell-Ubial ang Department of Health (DoH) na panatilihin ang ilang good practices na nagawa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Ubial sa panayam ng Bombo Radyo, na kasalukuyang pinuno ng molecular department ng Philippine Red Cross, magandang maipagpatuloy ang konsepto ng One Hospital Command Center.
Ito aniya ay nagbibigay daan sa sistematikong pagmonitor sa mga pagamutan kung saan pa maluwag at kung saan naman ang crowded na para sa mga partikular na uri ng sakit.
Makakatulong umano ito para maagapan ang malalaking pagkalat ng sakit.
Nakita rin umano sa panahon ng pandemya ang magandang ugnayan ng DoH at local government units (LGUs).
Dito ay naging madali ang distribusyon ng bakuna at pagpapatupad ng quarantine na mahalaga para sa kampanya laban sa pagkalat ng mga karamdaman.
Hangad ng dating kalihim na mapalago pa ang maayos na pagtutulungan ng iba’t-ibang sektor para sa kapakanan ng nakararaming mamamayan.