KORONADAL CITY – Nagpasaklolo na sa himpilan ng Bombo Radyo ang isa sa maraming biktima ng Kabus Padatoon (KAPA) investment scam upang masampahan ng kaso ang founder na si Joel Apolinario.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, umiiyak na sinabi ni Nanay Inday, 69-anyos ng Banga, South Cotabato, na naglakas-loob siyang dumulog kahit maraming mga recruiter at miyembro ng KAPA ang nagbabanta kung siya ay magsumbong dahil baka ipakulong lang ito.
Gayunman, wala aniya siyang pakialam sa mga pananakot sa kaniya dahil desidido na itong sampahan ng kaso si Apolinario lalo na at perang pang-hanapbuhay na nila ang nakataya.
Napag-alaman na umaasa kay Nanay Inday ang mga apo nitong wala ng magulang.
Nagtatrabaho ang matanda sa taniman ng mais at ang mga alagang baboy nalang sana ang kanilang pag-asang kumita ngunit ibinenta ito upang i-invest sa KAPA matapos mahikayat ng recruiter.