BACOLOD CITY – Patuloy pa ang assesment ng mga otoridad sa bilang ng mga kabahayang nasira kasabay ng pagdaan ng buhawi sa Barangay Atipuluan at Barangay Abuanan, Bago City, Negros Occidental kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Kagawad Eric Oreta ng Barangay Atipuluan, dakong ala-1:00 kahapon nang sumama ang panahon, lumakas ang hangin, kumidlat at umulan.
Matapos nito, ilang residente ang nagsumbong sa kanya na nilipad ng buhawi ang bubong ng kanilang bahay.
Ayon sa kagawad, nasa loob pa ng bahay ang residenteng si Oklay Onini kasama ang dalawa nitong apo nang lumakas ang hangin.
Nawalan din ng supply kuryente ang nasabing barangay matapos matumba ang dalawang poste.
Samantala, hindi inasahan ng mga residente sa Barangay Abuanan, Bago City na lalakas ang hangin kasabay ng biglang pagdilim ng paligid at pagbagsak ng ulan.
Ayon kay Rey Talamor, isa sa mga residente sa lugar, sinira ng hangin ang kanilang bahay na gawa sa kawayan.
Maliban sa kanya, mayroon pa umanong ibang bahay na naapektuhan.