Kinasuhan si Department of Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro ng ilang abogado at concerned citizens sa Pasay City Prosecutors Office.
Sa pangunguna ni Atty. Russel Miraflor, kanilang inihain ang mga reklamong perjury, falsicification of public documents, grave dishonesty, grave misconduct, at conduct prejudicial to the best interest of the service laban sa kalihim.
Kaugnay ang reklamo sa kanilang pagkwestyon sa ‘citizenship’ ni Sec. Teodoro at pagkakaroon umano ng Maltese passport.
Sa isinumiteng ‘joint complaint-affidavit’ ng ‘complainants’, hiniling nila sa City Prosecutor na magkasa ito ng case build-up at preliminary investigation.
Batay sa sinasabing dokumentong hawak nila, valid umano ang Maltese passport ni Sec. Teodoro mula Disyembre 2016 hanggang Disyembre 2026 at nakapag-renew pa raw ng Philippine passport noong 2017.
Kung kaya’t naniniwala ang mga naghain ng reklamo na mayroon ‘inconsistency’ sa nababanggit na Maltese passport record ng kalihim.
Paglilinaw naman ni Atty. Miraflor na wala itong kinalaman sa pulitika o di’ kaya’y isang ‘political attack’ kundi panawagan para sa patas at opisyal na beripikasyon sa tunay na rekords ni Defense Sec. Teodoro.
Subalit sa kabila nito, una nang nilinaw ng Department of National Defense na matagal nang nai-surrender ng kalihim ang foreign passport bago pa maghain ng kandidatura noong 2021.
Habang sa bagong pahayag naman nila’y binigyang diin na ang reklamo’y mistulang nanggaling lamang sa hindi beripikadong mga alegasyon.
















