-- Advertisements --

Tinatayang tatakbo ng isang oras at dalawampung minuto ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Hulyo 27, 2026.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ito ang naging takbo ng oras ng talumpati ng Pangulo habang isinasagawa ang kanyang mga huling pagsasanay at preparasyon.

Gayunpaman, nilinaw ng Malacañang na maaari pa itong magbago, posibleng humaba o umikli nang kaunti, depende sa bilis ng pagbasa at reaksyon ng mga dadalo sa pagdarausan ng malaking event sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Ganap na magsisimula ang ulat sa bayan ng pangulo mamayang alas-4:00 ng hapon.

Magiging simple ngunit marangal ang SONA ng pangulo ngayong taon alinsunod sa kaniyang direktiba, kung kaya’t walang tradisyunal na engrandeng fashion show o mga kilalang celebrity performers.

Napili ang PCSO Chorale, na nagwagi sa Grand Prix sa 2026 Korea International Choir Competition, na aawit ng Philippine national anthem.

Inaasahang iuulat ng Pangulo ang mga nagawa ng kanyang administrasyon, mga hakbang laban sa korapsyon, mga plano sa ekonomiya, at ang kanyang mga prayoridad na batas para sa huling dalawang taon ng kanyang termino.