-- Advertisements --

Naging matagumpay ang ikalawang Joint Maritime Cooperative Activity na ikinasa ng Pilipinas at Estados Unidos sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ito ay matapos ang dalawang araw na aktibidad na magkatuwang na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines at US Indo-Pacific Command mula noong Enero 3 hanggang 4, 2024 sa naturang pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief, Col. Xerxes Trinidad, isinagawa ng dalawang hukbo mula sa dalawang bansa ang cross-deck manuevers o personnel transfers sa ikalawa at huling araw ng naturang pagsasanay na naglalayong maipakita ang mga kakayahan at pagiging epektibo ng dalawang naval forces na kalahok sa nasabing aktibidad.

Kapwa nabigyang-diin din aniya ang abilidad ng magkabilang hukbo ng Pilipinas at Estados Unidos pagdating sa pagtutulungan, partikular na sa kanilang pagpapakita ng expertise at kahandaan.

Sa isang pahayag ay sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na ang kanilang ikinasang maritime cooperative activity kasama ang Estados Unidos ay magpapaigting pa sa kakayahan ng dalawang hukbong sandatahan partikular na sa pagtugon sa mga potensyal na mga banta sa maritime domain.

Kaugnay nito ay sinabi rin ng pinuno ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ito ay maritime cooperative activity na ito ay muli rin nagpapatibay sa alyansa ng AFP at US Indo-Pacific Region na inaasahang mas magpapalakas pa sa kapabilidad ng dalawang bansa.