BAGUIO CITY – Makabuluhan pa rin ang pagdiriwang sa ika-25 na foundation anniversary ng lalawigan ng Apayao.
Ayon kay Governor Eleanor Bulut-Begtang, maituturing na matagumpay ang okasyon kahit bumabangon pa lamang ang lalawigan mula sa mga naging epekto ng bagyo at monsoon rains sa huling kwarter ng 2019.
Ipinaliwanag niyang pinili pa rin nilang ipagdiwang ang foundation anniversary para maipakita sa mga residente at bisita ang pag-unlad ng lalawigan.
Ipinakita naman ng mga taga-Apayao ang tibay at lakas ng kanilang loob sa pagbangon mula sa mga kalamidad sa pamamagitan ng tulong ng pamahalaan.
Ipinagdiwang ang foundation anniversary ng lalawigan sa pamamagitan ng Say-am Festival na may temang “Apayao at 25: Treasuring our Silver, Soaring to our Gold.”
Natunghayan din sa okasyon ang Agro Industrial Trade Fair, Tourism Exhibits, Apayao Food Fair, at ang float at street dancing competitions.
Maaalalang noong nakaraan taon ay labis na naapektuhan ang Apayao sa mga naranasang walang tigil na ulan kayat naisailalim ang lalawigan sa state of calamity.