-- Advertisements --

Kumitil na ng 21 katao ang inilunsad na ikalawang pinakamalaking aerial assault ng Russia sa Ukraine kabilang ang apat na bata.

Kinumpirma ni Tymur Tkachenko, ang head ng Kyiv City Military Administration, na kabilang sa mga napatay sa pag-atake ay nasa edad 12, 14 at 17 anyos.

Napinsala din ang mga gusali na pagmamay-ari ng European Union (EU) at British Council sa strikes na sumiklab nitong Huwebes, Agosto 28.

Nagbunsod naman ito ng pagpapatawag ng EU at UK sa mga top diplomats ng Russia sa kanilang mga kabisera.

Ayon sa Ukraine Air Force, nagpakawala ang Russia ng 629 air attack weapons sa Kyiv sa magdamag kung saan kabilang din sa ginamit sa pag-atake ang mahigit 500 drones at 31 missiles.

Sa panig naman ng Russian Defense Ministry, natamaan nila ang military-industrial complex enterprises at military air bases sa Ukraine gamit ang mataas na uri ng mga armas.

Inihayag ni Kremlin spokesperson Dmitry Peskov na interesado pa rin ang Russia sa peace talks sa Ukraine subalit iginiit nito na nagpapatuloy pa rin aniya ang special military operation.

Nauna ng binatikos ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang air assault bilang “horrific at deliberate” na pagpatay sa mga sibilyan.