Narekober na ang ikalawang black box ng Air India plane na bumagsak sa Ahmedabad, India na nangyari noong Hunyo 12 na kumitil ng 279 katao.
Sa isang statement, kinumpirma ng senior aide ni Prime Minister Narendra Modi na si PK Mishra na natagpuan at na-secure na ang cockpit voice recorder, na nasa overhead instrument panel sa pagitan ng dalawang piloto.
Matatandaan, narekober ang unang black box o ang flight data recorder noong Biyernes, isang araw matapos ang plane crash. Ang flight data recorder naman ay nasa tail section o buntot ng Air India plane na nanatiling intact o hindi nasira nang mangyari ang plane crash.
Inaasahan naman na mapapabilis ang imbestigasyon sa sanhi ng pagbagsak ng eroplano matapos marekober na ang dalawang black box.
Matatandaan, tanging isang pasahero lamang ang nakaligtas mula sa 242 pasahero at crew na lulan ng Air India Boeing 787-7 Dreamliner habang 38 katao naman ang nasawi sa ground o pinagbagsakan ng eroplano sa residential hostel ng BJ Medical College ilang sandali pa lamang matapos itong magtake-off.