Patuloy ang paghahanap sa black box ng bumagsak na Air India plane sa Ahmedabad, India.
Nasa crash site na rin ang forensic experts para kumalap ng ebidensiya may kaugnayan sa aksidente.
Nitong gabi ng Huwebes, inanunsiyo ng India ang pagkakasa ng pormal na imbestigasyon sa Air India crash.
Ang Aircraft Accident Investigation Bureau ang nangunguna sa imbestigasyon. Nagpadala naman na ang Amerika gayundin ang United Kingdom ng kanilang expert team para umalalay sa imbestigasyon sa plane crash.
Samantala, personal na nagtungo si Indian Prime Minister Narendra Modi sa pinagbagsakan ng eroplano sa Ahmedabad at binisita ang nag-iisang survivor sa malagim na trahediya na isang British national na si Vishwashkumar Ramesh na kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan na blangko at hindi makapaniwala kung paano siya milagrong naka-survive sa insidente.
Matatandaan, tanging isa lamang ang survivor mula sa 242 katao na lulan ng eroplano matapos mag-crash ito sa residential area ilang sandali lamang matapos magtake-off nitong Huwebes.
Base sa Air India, nasa 169 Indian nationals, 53 Britons, 7 Portuguese nationals at isang Canadian ang lulan ng eroplano nang mangyari ang plane crash.
Kinumpirma naman ng senior health official sa Ahmedabad na walong katao ang nasawi sa ground kung saan bumagsak ang eroplano, apat sa kanila ay medical students habang ang apat na iba pa ay mga kamag-anak ng iba pang mga estudyante na naninirahan sa isang hostel.
Samantala, patuloy naman ang pagbibigay ng mga pamilya ng mga biktima ng DNA samples para makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga nasawi nilang kapamilya.