Isang doctor mula sa UK at kanyang buong pamilya ang kabilang sa mga nasawi sa pagbagsak ng pampasaherong eroplano na Boeing 787 sa India noong Huwebes, Hunyo 12.
Tinatayang higit sa 240 katao na ang nasawi hinggil sa insidente, ilang segundo matapos ang paglipad mula sa Ahmedabad, India.
Kinilala ang nasawing doctor na si Dr. Prateek Joshi, isang radiologist sa Royal Derby Hospital sa United Kingdom. Kasama niyang nasawi sa trahedya ang kanyang asawa at tatlong anak, ayon sa Derby Hindu Temple sa Pear Tree, Derby.
Sa isang pahayag sa social media, sinabi ng tagapagsalita ng Temple na sila ay nakikiramay sa pamilya at patuloy na nananalangin na bigyan ng lakas ang mga naiwang ng mga biktima.
Samantala ayon sa ulat, ang Flight AI171 ay may sakay na 242 katao —kabilang ang 169 Indian nationals, 53 na Briton, 7 Portuguese nationals, at isang Canadian. Bumagsak ito sa residential area ng Meghani Nagar sa loob lamang ng 30 segundo matapos itong mag take-off.
Sa inisyal na imbestigasyon isang mayday call ang naitala, ngunit hindi na muling nagbigay ng tugon ang piloto.
Sa pahayag ng Derby Hindu Temple, sinabi nila na sina Dr. Joshi at ang kanyang pamilya ay aktibong miyembro ng kanilang Mandir at naglilingkod nang buong puso sa komunidad.
‘Dr Joshi, a radiologist at Royal Derby Hospital, who lived in Derby were devotees of our Mandir and supported us through their sincere service and dedication,’ pahayag pa ng Temple.
‘We pray to Lord Shiva to grant eternal peace to the departed souls and to give strength to the bereaved family to bear this immense loss,’ dagdag pa nito.
Patuloy namang sumasailalim sa imbestigasyon ang naturang eroplano habang patuloy ang isinasagawang pagkakakilanlan ng mga biktima.