Walang nakikitang agarang dahilan ang gobyerno ng Estados Unidos para ihinto ang operasyon ng Boeing 787 matapos ang trahedyang kinasangkutan ng isang Air India flight sa India na ikinasawi ng mahigit 240 katao.
Sinabi nina US Transportation Secretary Sean Duffy at Federal Aviation Authority (FAA) Acting Administrator Chris Rocheleau na wala pang indikasyong teknikal na sira sa Boeing 787 na magrerekomenda ng grounding. Bagamat napanood na nila ang mga video ng insidente, iginiit ni Duffy na hindi ito sapat na basehan para gumawa ng desisyon.
Dagdag ni Rocheleau, patuloy nilang babantayan ang anumang impormasyon na lalabas kaugnay ng insidente. Aniya, kung may matukoy na panganib, agad naman silang kikilos upang tugunan ito.
Tiniyak ni Duffy na ang US government ay handa ring magpatupad ng safety measures kung kinakailangan. Uunahin naman aniya ng mga awtoridad ang kaligtasan ng publiko at handa silang magdagdag ng resources kung kailangan para makuha ang lahat ng datos.
Sa ngayon, nananatiling ligtas pa ring gamitin ang Boeing 787 sa kabila ng nangyaring trahedya, ayon sa US aviation officials.