Inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) ang request ng gobyerno ng Pilipinas para sumagot sa argumento na idinulog ng ICC prosecutor kaugnay sa apela ng bansa laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng tribunal sa war on drugs ng nagdaang Duterte administration.
Sa naging pasya ng ICC na may petsang Mayo 2 subalit isinapubliko lamang nitong nakalipas na linggo, sinabi ng ICC Chamber na ang reply nito sa partikular na isyu na idinulog ni ICC Prosecutor Karim Khan ay makakatulong para makapagdesisyon ito sa apela ng Pilipinas.
Binigyan ng ICC ang Pilipinas ng hanggang bukas, Mayo 16 para makapagsumite ng sagot nito na hindi lalagpas sa 10 pahina.
Matatandaan na noong Nobiyembre ng nakalipas na taon, sinunspendi ng ICC ang imbestigasyon nito sa kontrobersyal na war on drugs ng nagdaang administrasyon kasunod ng deferral request mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Subalit noong Enero ng kasalukuyang taon, pinayagan ng pre-trial chamber ng ICC ang pagpapatuloy ng inquiry dahil hindi umano ito kontento sa ginagawang imbestigasyon ng Pilipinas sa drug war ng nakalipas na administrasyon.
Umapela naman ang gobyerno ng Pilipinas at iginiit na ang naturang hakbang ng ICC ay paglabag sa soberanya at may mali anita sa ilang findings ng ICC chamber.
Batay sa state monitoring platform na RealNumbersPH, lumalabas na sa ilalim ng termino noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte , nasa mahigit 6,000 katao ang namatay sa anti-illegal drug operations.
Suablit base sa Local at international human rights groups, tinatayang mas mataas pa sa pagitan ng 12,000 at 30,000 ang bilang ng nasawi sa bloody war on drugs ng Duterte administration.