-- Advertisements --

Tinutulan Office of the Public Counsel for Victims ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-diskwalipika ang isa sa tatlong medical expert mula sa panel na susuri kung “fit” ang dating Pangulo na humarap sa mga paglilitis sa korte.

Sa limang pahinang filing sa ICC Pre-Trial Chamber I na may petsang Nobiyembre 10, inihayag ng Principal Counsel for Victims na si Paolina Massidda na ang kaniyang naunang pag-endorso sa dalawang neuropsychology expert ay nakabase sa impormasyong ibinigay ng ICC Registry at ito ay pasok sa awtoridad ng Registry para panatilihin ang listahan ng med experts.

Itinanggi din ni Massidda bilang walang basehan ang batikos ng depensa na nag-google search lamang siya sa pagberipika sa background ng eksperto. Aniya, nagbase ang Vcitims’s Office sa patas at opisyal na selection process ng ICC Registry.

Giit ni Massidda na ganap na ipinapaubaya ng kaniyang tanggapan sa discretion ng Chamber ang pagpapasya kung isasama ang naturang eksperto sa oras na makakuha ng paglilinaw mula sa Registry.

Pinagtibay din ng Victim’s Counsel ang kaniyang posisyon na dapat maging bahagi ang naturang eksperto sa panel para matulungan ang Chamber na masuri ang mental at pisikal na kapasidad ni Duterte para humarap sa trial.

Sa kasalukuyan nga, ang Pre-Trial Chamber ang namamahala sa mga paglilitis para suriin ang kakayahan ng dating Pangulo ng Pilipinas para makibahagi sa paglilitis sa kaso may kinalaman sa umano’y crimes against humanity na nagawa sa ilalim ng war on drugs ng kaniyang administrasyon.