LAOAG CITY – Umaasa ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na maipapatupad ng maayos ang Anti-Terrorism Act na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Domingo Cayosa, pangulo ng IBP, siniguro umano sa kanila ng Malakanyang na hindi ito maabuso.
Una rito, sinabi ni Cayosa na kinuha ng Malakanyang ang komento ng IBP at nasabi pa umano ng mga mambabatas na ang mga hindi maliwanag na probisyon ay maisasaayos sa Implementing Rules and Regulations (IRR).
Sinabi pa nito na ang pangunahing kinuwestyon nila ay ang kapangyarihan ng mga magpapatupad nito dahil hindi lamang daw ang mga matataas ang posisyon ang posibleng mang-abuso nito.
Inihayag niya na puwede itong maabuso sa local level pa lamang lalo na kapag kalaban ng mag-aaresto ang isang tao ay puwede rin itong sabihin na may kaugnayan ito sa terorismo.
Gayunpaman, ang mga kwestyunableng probisyon na maaaring laban sa konstitusyon at mga posibleng maapektuhan ay dumulog lamang sa korte.
Bukod dito, sinabi raw sa kanila ni Sen. Panfilo Lacson na walang poder o kapangyarihan ang Anti-Terrorism Council na mag-isyu ng authority to arrest at hindi rin umano ito ang intensyon ng Anti-Terrorism Act.