CAUAYAN CITY – Ikinalungkot ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagpapalawig ng state of calamity sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP President Atty. Domingo Cayosa, sinabi niya na kung hanggang ngayon ay isasailalim parin sa state of calamity ang bansa ay hindi talaga natutugunan ang pandemya at iba pang kalamidad.
Maraming bansa na ang nakarekober at nakapagsimula na sa panibagong estado ng pamumuhay sa nararanasang pandemya.
Isa na ang bansa sa may pinakamahabang lockdown sa buong mundo pero kung hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng pamahalaan ang dapat gawin ayon kay Atty. Cayosa ay hindi talaga kayang ikontrol ng pamahalaan ang mamamayan.
Marami na ring reklamo mula sa mga frontliners at contact tracers na hindi pa nababayaran ang sahod.
Ilang bilyon na ang inutang ng pamahalaan para lamang ilaan sa paglaban sa pandemya na kung tutuusin aniya ay sobra sobra na ito.
Ilang ahensya na rin ng gobyerno ang hindi nagkakaintindihan tulad na lamang sa pagbawas ng Department of Transportation (DOTr) sa layo ng distansya sa mga upuan sa pampublikong transportasyon na kinokontra ng ilang ahensiya.
Pati na ang mga health workers na nakatakdang magtrabaho sa ibang bansa ay hindi pa rin pinapayagan ng Inter Agency Task Force (IATF) kahit nais na ng Department of Foreign Affairs (DFA) na palabasin ang mga ito para makapagtrabaho.
Ayon kay Atty. Cayosa kailangan ng administrasyong maging seryoso sa pamumuno sa bansa at kailangan din ang kooperasyon ng mamamayan dahil kung babagsak ang gobyerno ay babagsak ang lahat.