CAUAYAN CITY– Positibo ang IBON Foundation sa pagtalaga sa ekonomistang si Arsenio Balisacan bilang chief ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa susunod na administrasyon.
Si Balisacan ay naging NEDA Chief noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation, sinabi niya na may background si Balisacan kumpara sa kalihim ng Kagawaran ng Pananalapi o DOF sa kahirapan, rural development at agrikultura.
Naging undersecretary rin si Balisacan ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA at sa kanyang government career at mga sulatin bilang akademiko ay tampok ang kahirapan at agrikultura.
May positibong epekto dahil ang dalawang ito ay kabilang sa mga napapabayaan sa bansa
Gayunman, nilinaw ni Ginoong Africa na sa takbo ng economic team ng Pilipinas ay hindi ganoon ka-impluwensiya ang NEDA kumpara sa kalihim ng DOF.
Bgamat may mga magandang nagawa si Balisacan sa panunungkulan niya sa Aquino administration ay mayroon pa rin silang reserbasyon sa kanyang makalumang free market policies.
Ayon kay Ginoong Africa, marami ang dapat iwasto ayusin sa ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng pangasiwaang Duterte ay bumagsak sa pinakamahina ang industriya at agrikultura ng bansa.
Ito ay nagbunga ng pangingibang bansa ng maraming Pilipino dahil sa kakulangan ng trabaho.
Hindi aniya ramdam ng maraming Pilipino ang mataas na credit rating at dayuhang pamumuhunan.
Binigyang-diin ni Ginoong Africa na pinayaman ang iilan ngunit marami ang naghihirap. Bago ang pandemya ay bumagal na ang economc growth ng bansa. Mula sa 7% noong 2016 ay naging 6.9% noong 2017, 6.4 noong 2018 at 6.1% noong 2019 at pinalala ng COVID-19 pandemic.