CAUAYAN CITY – Naniniwala ang IBON Foundation na sapat ang inihaing P750 across-the-board wage hike na makakatulong sa mga manggagawa sa labas ng National Capital Region (NCR) at makaagapay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation na suportado nila ang inihaing P750 across-the-board wage hike ng mga progresibong grupo na Makabayan Bloc sa Kongreso.
Sa nakaraang dekada ay hindi sumabay ang sahod ng mga manggagawa sa pagtaas ng productivity sa paglago ng ekonomiya at pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Naniniwala siya na ang inihain na P750 across-the-board wage hike ay magtatawid sa minimum wage na napakaliit at mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga minimum wage earner.
Ang pinakamataas na sahod ng mga manggagawa ay P1,160 daily wage sa NCR at pangunahing makikinabang sa inihaing P750 across-the-board wage hike ay ang mga manggagawa sa mga probinsiya at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Dapat anyang sumasabay ang pagtaas ng sahod sa productivity increase at paglago ng ekonomiya maging ang pagmahal ng mga bilihin.
Kaugnay naman sa status ng mga employers na hindi makakayang itaas ang sahod ng mga manggagawa ay responsibilidad ng pamahalaan na tulungan ang mga employers at magkaloob ng wage subsidy upang maibigay ang tamang sahod ng mga manggagawa na ginawa na ng pamahalaan noong nakaraang pandemya.
Kapag nahihirapan aniya ang isang negosyo ay tungkulin din ng pamahalaan na tulungan ang mga ito.