Nagpaliwanag ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kung bakit ang corporate secretary at asawa ni KAPA founder Joel Apolinario lamang na si Reyna ang kanilang sinampahan ng kaso kahapon dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Ayon sa BIR, inuna nila si Reyna dahil sa isinagawa nilang imbestigasyon, ang corporate secretary ng KAPA ang nakitaan ng kumpletong ebidensiya para ireklamo sa Department of Justice (DoJ).
Pero siniguro ng BIR na masusundan pa ang pagsasampa nila ng kaso laban sa mga opisyal ng KAPA na hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Sa ngayon patuloy umano ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa mga opisyal ng KAPA kung may nilabag ang mga ito sa pagbabayad ng buwis sa bansa.
Kahapon, aabot sa P170 million tax liability ang isinampa ng BIR laban kay Reyna dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis sa kanyang mga ari-arian at negosyo.
Kabilang dito ang 13 negosyo sa ilalim ng kanyang pangalan na retail-construction materials/garments/metals, gasoline stations at convenience stores, computer at printing services, quarry, convention center fishing boat, bakeshop & refreshment, media & marketing network at hotel.
Dahil dito sinabi pa ng BIR na aabot umano ang income tax liability ni Reyna sa P168.2 million, inclusive rito ang surcharges at interests.