Magkahalong excitement at pressure ang nararamdaman ni Ian Veneracion kaugnay sa nakatakdang concert tour kasama ang US legendary jazz singer na si Patti Austin sa susunod na buwan.

Ayon sa 44-year-old actor turned singer, kahit pa sumalang na siya sa kanyang sariling mga concert, kailangan niyang i-level up ang performance sa pagkakataong ito lalo’t world-class artist ang makakasama nito.

Big deal kung ituring ni Veneracion ang maka-showdown sa concert stage si Austin na nasa likod ng hit songs gaya ng “Say You Love Me,” “All Behind Us Now,” at iba pa.

“Nakaka-pressure kasi feeling ko parang principal mapagalitan ako ‘pag nawala ako sa tono. I’m excited. Excited and talagang pressured ako ngayon (laughs). Parang it’s the real deal,” saad nito sa isang panayam.

Nabatid na suki na sa Pilipinas si Austin kung saan minsan na siyang nagsagawa ng benefit concert upang makalikom ng pondo para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Malapit sa puso ng 68-year-old Grammy winner ang bansa dahil mga Pinoy daw ang kanyang makeup artist pati ang dalawang caregiver na nag-alaga sa maysakit niyang ina.