Hindi na dapat pang hintayin ng Duterte administration na magkaroon ng tinatawag na hyperinflation at malubog sa sobrang hirap ang mga mamamayan bago ito umaksyon kaugnay sa napakataas nang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, hindi kasi sasapat ang mga “band aid solutions” ng pamahalaan tulad ng Pantawid Pasada sa harap na rin ng pagsirit ng presyo ng langis.
Bukod sa napakabagal nang rollout ng naturang programa, limitado lang din aniya ang matutulungan nito kahit pa lahat naman ng mamamayan ay apektado ng oil price hikes.
Kahapon, nagpulong ang House Fuel Crisis Ad Hoc Committee para talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa at gumawa ng mga solusyon para mapagaan man lang ang pasanin ng publiko.
Pero kahit isa sa mga kalihim ng mga kagawaran na pinatawag ng komite ay hindi dumalo sa naturang pagdinig, bagay na napuna ni Zarate.
Para sa kongresista, ang pinaka-epektibong paraan para masilusyunan ang kasalukuyang oil price crisis ay i-regulate ang downstream oil industry, pero para sa agarang relief sa publiko, kailangan na magpatawag aniya ang Malacanang ng special session para maaprubahan na ang panukalang magsususpinde pansamantala sa excise tax sa langis.