Isinusulong ng grupong Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) na payagan na lang ng gobyerno na maka-biyahe ang lahat ng pampublikong sasakyan, imbis na tapyasan ang distansya ng mga pasahero.
Sa isang panayam sinabi ni ACTO president Efren de Luna na mas maraming commuter ang makikinabang kung bukas ang lahat ng ruta ng public transportation.
Bukas magsisimula na ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng bawas na 0.5-meters sa isang metro na unang inirekomenda na distansya sa mga pampublikong sasakyan.
Para kay De Luna hindi na kailangan pang bawasan ang distansya ng mga pasahero, lalo na’t marami pang public transport vehicle ang naghihintay na maka-biyahe.
Dagdag pa ng transport group leader, wala pang 50% ng 1,800 units ng jeep na pinayagan ng DOTr mag-operate ang nakabalik biyahe dahil maraming driveer ang umuwi ng probinsya.
Bukod sa mga jeep, nanawagan din si De Luna na payagang maka-biyahe ang lahat ng unit ng UV express.