Nag-isyu ang Bureau of Customs (BOC) ngayong araw ng dalawang warrant of seizure at detention (WSD) kaugnay sa shipment ng humigit-kumulang sa P228 million na halaga ng umano’y imported refined sugar mula sa Thailand.
Ayon sa Bureau, inisyu ang naturang warrant matapos na hindi inaprubahan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ang request na amyendhan ang pagpapalit ng pangalan ng consignee na hindi tinukoy habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.
Inirekomenda rin ng BOC na mag-isyu ng warrant of seizure at detention sa shipment dahil sa kawalan ng Clearance para sa paglalabas ng imported sugar na ini-isyu ng Sugar Regulatory Administration (SRA) dahil sa paglabag sa Sections 117 at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon kay BOC chief Commissioner Yogi Filemon Ruiz, maraming hocus pocus na ginagawa ang mga smugglers para matakasan ang kanilang mga krimen. May siginificant effect din sa oras na makarating sa mga local market sa bansa ang mga smuggled sugar na ito at maapektuhan ang ating local suppliers.
Sinabi din ng BOC chief na sa oras na ma-forfeit ang shipments kanila itong maayos na idi-dispose alinsunod sa batas.