Nagsasagawa na ang Bureau of Immigration (BI) ng malalimang imbestigasyon sa posibleng pagkakasangkot ng kanilang personnel sa isyu ng human trafficking sa mga Pilipinong kababaihan sa Myanmar.
Ipinag-utos ni BI Commissioner Norman Tansingco ang naturang imbestigasyon matapos na iprinisenta ni Senator Risa Hontiveros ang isa sa 12 biktima ng human trafficking sa kaniyang naging privilege speech sa Senado kamakailan.
Sa pagdinig sa Senado, ibinunyag ng biktima na na-recruit sila sa pamamagitan ng isang advertisement sa Facebook para magtrabaho sa call center sa Thailand subalit dinala ang mga ito sa Myanmar para magtrabaho sa online scam operations para hikayatin ang mga Americans at iba pang westeners na mamuhunan sa pekeng cryptocurrency accounts.
Kapag hindi nakabiktima ang mga ito ay minamaltrato sila.
Nangako naman ang BI official na kanilang pananagutin ang mga kawani ng bureau na mapapatunayang sangkot sa naturang insidente.
Nag-abiso si Tansingco sa mga nagnanais na magtrabaho abroad na i-ignore na lamang ang alok na trabaho online sa halip ay makipagtransakyon lamang sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa panig naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) nakatakda na rin itong magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa human smuggling syndicate na nag-ooperate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kaugnay nito, pinaplano ng MIAA na magpatupad ng total no-contact policy para sa mga pasahero at airport personnel para maiwasan ang iligal na pag-escort sa mga paparating at paalis na mga pasahero.
Makikipagtulungan din ang MIAA sa imbestigasyon ng Senado kaugnays a human smuggling activities sa mga paliparan at tiniyak ang maigting na hakbangin para matigil ang iligal na aktibidad na ito.