Binatikos ng iba’t ibang human rights groups ang guilty verdict ng Manila Regional Trial Court sa kasong cyberlibel laban kina Rappler CEO Maria Ressa at dating researcher-writer Reynaldo Santos.

Sinabi ni Karapatan secretary-general Cristina Palabay na ang hatol kina Ressa at Santos ay may epekto hindi lamang sa press freedom kundi maging sa right to information ng publiko at freedom of expression.

Ipinapakita lamang kasi aniya nito na sinumang kritikal sa pamahalaan ay maaring maipakulong para lamang mapatahimik sa kanilang mga puna.

Iginiit naman ng Human Rights Watch (HRW) ang guilty verdict na ito ay may epekto hindi lamang sa mga mamamahayag, pero may long-term effects din sa demokrasya ng bansa.

Ayon kay HRW deputy Asia director Phil Robertson, ipinapakita lamang ng nangyari ang kapangyarihan na mayroon ang isang mapagn-abusong lider para manipulahin ang batas mahabol lamang ang mga kritikal sa pamahalaan.

Naniniwala naman si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na maaring gamitin ang hatol para makasuhan at maipakulong ang sinumang magsisiwalat ng kamalian ng gobyerno.

“This decision is another nail on the press freedom coffin and is very dangerous not just for journalists but for everybody who uses social media platforms like Facebook, Instagram and Twitter,” ani Zarate.