Pinagmulta ng Supreme Court (SC) ang isang hukom mula sa Capiz dahil sa pakikialam nito at tangkang pagharang sa pagpapatupad ng writ of execution sa isang civil case.
Partikular ang isang kaso sa ari-arian kung saan partido ang kanyang maybahay na lantaran daw na ginamitan ng huwes ng impluwensya at pananakot.
Aabot sa P40,000 na multa ang ipinataw ng Korte Suprema kay Judge Hannibal R. Patricio ng Municipal Circuit Trial Court (MTC) sa President Roxas-Pilar, Capiz.
Ito ay matapos mapatunayan na guilty si Judge Patricio sa kasong three counts ng Conduct Unbecoming of a Judicial Officer.
Ayon sa kataas-taasang hukuman, nilabag ng hukom ang Canon 2, Sections 1 at 2, gayundin ang Canon 4, Sections 1 at 2, ng New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary.
Nagbabala naman ang SC na mas mabigay na parusa ang kahaharapin ni Judge Patricio kapag inulit pa nito ang paggamit sa kanyang kapangyarihan sa pag-impluwensiya sa mga kaso.