Iginiit ni House Speaker Martin Romualdez nitong Hunyo 4 ang kanyang paninindigang gawing permanente ang ₱20 kada kilong bigas, bilang bahagi ng layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa abot-kayang pagkain sa bawat Pilipino.
Sa kanyang pulong kina DA Secretary Kiko Laurel at Undersecretary Alvin Balagbag, tiniyak ni Romualdez na personal niyang isusulong ang mga panukalang batas na magpapatibay sa programang ito sa nalalapit na ika-20 Kongreso.
Hindi ito aniya basta presyo lang — ito’y pangakong kailangan ng konkretong reporma.
Kabilang sa mga itinutulak na batas ay ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law upang muling bigyan ng kapangyarihan ang NFA na kontrolin ang presyo ng bigas.
Dagdag pa niya, mahalagang matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mas maayos na binhi, kagamitan, at access sa merkado.