-- Advertisements --

Pansamantalang sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat sa Pilipinas ng mga live animal at ilang animal products mula sa pitong bansa sa Middle East at Europe dahil sa mga naitalang outbreak ng foot-and-mouth disease (FMD).

Sa ilalim ng Department Circular No. 39, ipinagbawal muna ang pagpasok sa bansa ng mga buhay na baboy, baka, kalabaw at iba pang hayop na madaling mahawa sa FMD, gayundin ang sariwang karne, casings, tallow, hooves, horns at animal semen mula sa Azerbaijan, Bahrain, Cyprus, Iraq, Israel, Kuwait, at Palestine.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ito upang maprotektahan ang livestock sector, kabuhayan ng mga magsasaka, at seguridad sa pagkain ng bansa.

Sinabi ng DA na ipinatupad ang suspension matapos kumpirmahin ng Food and Agriculture Organization ng United Nations ang mga outbreak ng FMD virus serotype SAT1 sa mga apektadong lugar.

Iginiit ng kalihim na science-based at precautionary ang hakbang ng pamahalaan, habang patuloy na pinapayagan ang ligtas na kalakalan ng mga produktong mayroong veterinary at import requirements.

Kabilang sa mga produktong maaari pa ring ipasok sa bansa ang mga itinuring na “safe commodities” ng World Organisation for Animal Health, gaya ng UHT milk at dairy products, heat-treated canned meat, protein meal, gelatin, at ilang processed hides at leather products.