-- Advertisements --

Nagtamo ng P135.3 milyong halaga ng pinsala at lugi ang sektor ng agrikultura dulot ng pananalasa ng mga nagdaang bagyong Maymay, bagyong Luis at hanging habagat.

Base sa nagpapatuloy na damage assessment ng regional offices ng Department of Agriculture (DA), naitala ang mga pinsala sa agrikultura sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas, kung saan naapektuhan ang mahigit 4,000 ektarya ng agricultural areas.

Pinakamatinding nagtamo ng pinsala at pagkalugi sa mga commodities ay ang bigas, sumunod ang mais, high-value crops, livestock at poultry, gayundin ang mga pasilidad sa irigasyon, machines at equipment.

Nagresulta naman ang pinsala ng mga kalamidad sa 4,465 metrikong tonelada ng production loss.

Bilang tugon, sinabi ng DA na maaaring mag-avail ang mga apektadong magsasaka ng P106.5 milyong halaga ng farm inputs gaya ng bigas, mais at binhi ng mga gulay.

Maaari ring mag-avail ang mga ito ng hanggang P25,000 loan mula sa Survival and Recovery Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council.