-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na magpapatuloy ang programa ng pamahalaan sa pagbebenta ng P20 kada kilo na bigas hanggang matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.

Ayon sa DA, committed ang ahensya na ipagpatuloy ang programa para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sa kanyang State of the Nation Address, sinabi ng Pangulo na mahigit 12 milyong Pilipino na ang nakinabang sa programang “Benteng Bigas, Meron Na,” na nakalaan para sa mga vulnerable sectors.

Ang murang bigas ay galing sa stock ng National Food Authority (NFA), na bumibili ng palay mula mismo sa mga lokal na magsasaka. Sinusuportahan naman ng gobyerno ang programa sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI).

Ayon sa DA, mayroon ngayong mahigit 500,000 metric tons na stock ng bigas ang NFA, na sapat umano para matugunan ang pangangailangan ng programa.

Mula sa kasalukuyang 807 Kadiwa sites sa buong bansa, target ng DA na madagdagan ito sa pagitan ng 1,500 hanggang 2,000 sites sa mga susunod na buwan.

Samantala, sinabi rin ng DA na unti-unti nang bumababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Ang premium rice ay nasa naglalaro na ang presyo sa P47 hanggang P48 kada kilo, habang ang regular milled rice naman ay nasa P35 hanggang P45 kada kilo.

Ayon sa DA, sapat ang kasalukuyang suplay ng bigas mapa-lokal at imported man ito, para matugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipino hanggang sa susunod na anihan.

Hindi rin umano plano ng pamahalaan na ipagbawal ang rice imports, lalo na’t naghahanda ang bansa sa posibleng epekto ng El Niño sa suplay ng pagkain sa mga susunod na buwan.