-- Advertisements --

Ibinida ng lokal na pamahalaan ng Navotas City ang kahalagahan sa pagkakaroon ng episyenteng flood control system sa lungsod.

Kanilang kinilala ang pagbibigay halaga sa proyektong flood control na makatutulong lalo na sa panahon ngayon na maulan dulot ng Habagat. 

Anila’y sa kabila ng pagbuhos ng ulan, patuloy na pinagagana at napakikinabangan ang coastal dike, flood gates, concrete box culverts at pumping stations ng lungsod. 

Layon daw dito na mapanatiling kontrolado ang tubig baha at mapigilan ang ‘seawater’ na makapasok sa mga komunidad kapag hightide habang inaalis ang tubig-ulan mula sa mga kalsada. 

Binigyang diin ni Navotas Rep. Toby Tiangco na bagama’t kita ang naitutulong ng flood control system sa lungsod, hindi pa umano ito kumpleto at marami pang kinakailangan ayusin. 

Kung kaya’t titiyakin daw nilang patuloy na mabibigyan atensyon ang mga proyektong makapagbibigay proteksyon sa mamamayan kontra sa dulot na pagbaha ng malalakas na pag-ulan at mataas na tubig.