-- Advertisements --

Labis na ring nababahala si House Speaker Lord Allan Velasco sa ginagawang ‘red-tagging’ ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lieutenant General Antonio Parlade Jr. sa myembro ng Makabyan Bloc.

Nilalagay aniya ni Parlade sa panganib ang buhay ng mga opisyal ng Makabayan bloc dahil sa kaniyang ginagawa.

Ayon kay Velasco, bilang speaker ng Kamara ay susundin nito ang kaniyang sinumpaang tungkulin na protektahan sa anomang uri ng karahasan ang myembro ng Kongreso.

Dulot ito ng mga akusasyon na posibleng makagulo sa kanilang legal at constitutional mandate bilang parte ng Kamara.

Kung maaalala, sinabi ni Parlade na kanilang minamatyagan ang ilang myembro ng Makabayan Bloc, kasama na si dating Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares, dahil myembro raw ang mga ito ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Saad pa ni Velasco na kailangang mas maging maingat ng military commander sa kaniyang mga binibitawang salita laban sa mga myembro ng House of Congress.

Hindi naman ikinaila ng house speaker na may mga isyu talagang hindi pare-pareho ang kanilang pananaw, ngunit dapat day ay isaalang-alang ni Parlade na ang mga mambabatas ay binoto ng taumbayan.

Ikinadismaya rin ni Velasco ang mga alegasyon ni Parlade laban sa mga artista na ang tanging ginagawa lang aniya ay ipahayag ang kanilang pananaw sa mga isyu ng bayan.

Hirit pa ng house speaker, kung sapat ang ebidensya ni Parlade ay dapat itong dumiretso sa korte at hindi sa media.

Sinegundahan naman ito ni Minority Leader Joseph Paduano. Aniya, mas makabubuti na manahimik na lamang daw si Parlade kung wala siyang ebidensya na ilalabas para suportahan ang kaniyang mga alegasyon.