-- Advertisements --

Hinimok ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co na humarap, manumpa at magbigay ng ebidensiya.

Ito ay bilang tugon ng liderato ng Kamara de Representantes sa mga naging rebelasyon ni Co sa kaniyang mga inilabas na video statement noong nakalipas na linggo.

Sa isang statement, iginiit ng House Speaker na hindi sapat ang video mula sa ibang bansa. Aniya, kapag mabigat ang paratang, dapat mas mabigat ang paninindigan. Kayat kailangan aniya itong patunayan sa pamamagitan ng pagpresenta ng ebidensiya sa mga awtoridad tulad ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Handa rin ang House Speaker na makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya upang tiyakin ang kaligtasan ng dating mambabatas habang siya ay nagbibigay ng kaniyang testimoniya, kung sakaling kailangan siyang bigyan ng proteksiyon.

Pinuna naman ng House Speaker ang pag-iwas ni Co na kasalukuyang nasa ibang bansa na sa halip na makatulong sa paglilinaw ay mas lalo umano niyang dinaragdagan ang pagkalito ng publiko.

Nanindigan ang House Speaker sa kaniyang pangako sa kaniyang unang araw bilang lider ng Kamara na kaisa siya ng Pangulo sa layuning linisin ang pamahalaan para muling makabangon.