Naghain nang hiwalay na resolusyon si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na kumikilala sa pagkapanalo nina Carlos Yulo at Nesthy Petecio ng gintong medalya sa world championships para sa gymnastics at women’s boxing.
Una nito, nasungkit ni Yulo ang gintong medalya sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championship, habang si Petecio naman ay nanalo rin ng gold medal sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships na ginanap sa Ulan-Ude, Russia.
Sa kanyang inihain na House Resolution 437, sinabi ni Velasco na ang 19-anyos na si Yulo ang pinakabatang kalahok sa Hanns Martin Schleyer Halle sa Stuttgart, Germany, at ang pinaka-unang Pilipino na makatuntong sa podium finish sa championships matapos manalo ng bronze medal noong nakaraang taon.
Aniya, world class performance ang ipinamalas ni Yulo sa kanyang floor exercise sa kasagsagan ng kompetisyon.
Samantala, sa House Resolution 438, sinabi ni Velasco na ang “magnificent feat” ni Petectio sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships ang dahilan para manalo siya ng gold medal sa featherweight division.
Magugunitang nanalo si Petecio via split decision kontra Russian Luidmila Vorontsova sa finals ng world championship game.