-- Advertisements --

Muling iginiit ng House prosecution panel na ang umano’y pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa pagkuha ng isang “hitman” laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay maituturing na betrayal of public trust.

Sa isang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na seryosong usapin ang naturang pahayag dahil inaasahan ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan ay nagtataguyod ng batas at hindi hinihikayat ang pagkuha ng hustisya sa sariling kamay.

Ayon kay Adiong, kung totoo ang pagkakaalam ng Bise Presidente sa umano’y pagkakaroon ng isang bayarang mamamatay-tao, nararapat umano itong i-report sa mga awtoridad sa halip na makipag-ugnayan dito.

Ginawa ng prosecution panel ang pahayag matapos i-harap ang mga ebidensiya sa Senate impeachment court kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Bilang bahagi ng kanilang mga ebidensiya, iniharap ng prosecution si National Bureau of Investigation Senior Agent John Mark Calilung, na tumestigo hinggil sa pagiging authentic ng online media briefing ni VP Sara noong Nobyembre 23, 2024.

Ayon pa kay Adiong, layunin ng prosecution na patunayan hindi lamang ang pagiging tunay ng mga video, kundi ipakita rin kung bakit itinuring na usapin ng pambansang seguridad ang pagbabanta ng Ikalawang Pangulo.