Pumalag si House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Michael Edgar Aglipay sa mga batikos na kanyang natanggap kasunod ng kanilang pagdinig hinggil sa mga PPEs na binili ng PS-DBM sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite ngayong araw, binigyan diin ni Aglipay na ang kanilang pagdinig ay “independent” sa politika at wala silang anumang agenda kundi ilabas lamang ang katotoohanan.
Hindi aniya totoo na nililigaw nila ang publiko dahil natukoy naman sa kanilang pagdinig noong nakaraang linggo na mismong ang chairman na ng Commission on Audit na ang nagsabi na walang “overpricing” sa pagbili ng pamahalaan ng COVID-19 supplies.
Ibahin aniya dapat ang pagdinig ng Kamara kumpara sa imbestigasyon ng Senado na paikot-ikot lamang ang usapan.
Patutsada pa ni Aglipay, sa haba ng itinakbo ng padinig sa Senado ay umabot na ng hanggang sa iligal na droga.
Sa halip na in-aid of legislation, ang nangyayari sa Senado ay in-aid of election dahil nagagamit na ang pagdinig sa pagpapasikat ng mga nagnanais na tumakbo sa halalan sa susunod na taon, ayon kay Aglipay.
Ang ganitong uri aniya ng imbestigasyon ay nangyari na sa mga nakalipas na taon noong malapit nang mangyari ang halalan.
Sa ngayon, ang dapat na gawin aniya nilang mga mambabatas ay tapusin na sa lalong madaling panahon ang mga pagdinig na ito at tutukan na lamang lalo ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.