Ipinatawag ng House committee on good government and public accountabilit si Krizle Mago, ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na nagsabing binago nila ang expiration dates ng mga face shields na binili ng pamahalaan.
Ayon sa chairman ng komite na si DIWA party-list Rep. Michael Aglipay, napagbotohan nila na maglabas ng subpoena ad testificandum kay Mago, na napaulat na hindi na ma-contact sa ngayon kasunod ng kanyang rebelasyon sa pagdinig ng Senado noong Biyernes ng nakalipas na linggo.
Dahil dito, sinabi ni Aglipay na maaring dumalo si Mago sa kanilang pagdinig sa Oktubre 4 sa pamamagtan ng video teleconferencing.
Ipinatawag aniya nila ni Mago dahil sa mga alegasyon na masyadong “one-sided” ang pagdinig ng kanilang komite.
Bukod dito ay nais talaga nilang malaman ang katotohanan hinggil sa kontrobersyal na pagbili ng pamahalaan ng mga personal protective equipment (PPEs).
Samantala, hinimok naman ni Aglipay ang mga kapwa niya mambabatas sa mataas na kapulungan ng Kongreso na maging “fair” sa kanilang sariling imbestigasyon.