Mabilis na inaprubahan na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukalang batas na nagpapalawig sa voter registration process hanggang sa Oktubre 31, 2021.
Sa pulong ng komite kaninang umaga, nagmosyon si Cavite Rep. Elpidio Barzaga na aprubahan ang House Bill No. 10265, kung saan iginiit niya ang “urgency” ng panukalang batas na ito.
Ayon kay Barzaga, natalakay na ng husto ng komite ang usapin tungkol sa pagpapalawig sa voter’s registration pati na rin ng oversight committee para rito.
Sa ilalim ng panukala na inihain nina House Speker Lord Allan Velasco, Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano ay inaatasan ng liderato ng Kamara ang Comelec na palawigin pa ang voter’s registration para sa 2022 polls hanggang sa katapusan ng Oktubre mula sa orihinal nitong deadline na sa Setyembre 30, 2021.
Layon anila ng extension na ito na maiwasan ang malaking voter disenfranchisement dulot ng COVID-19 pandemic.
Magugunita na sa Senado, 23 senador ang naghain ng kaparehong panukalang batas.
Sa ngayon, naninindigan ang Comelec sa kanilang September 30 deadline, pero nagsabi rin namang bukas sila sa ideya ng week-long extension pagkatapos ng filing ng certificate of candidacy mula Oktubre 1 hanggang 8.