Tama ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.na ipasara ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na nauugnay sa mga sindikato ng iligal na droga, at mga kaso ng extrajudicial killings, na nagsisilbing banta sa seguridad at kapayapaan ng bansa, ayon kay Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez.
Sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes, lumalabas umano na mayroong isang malawak na sindikato na umano’y pinamumunuan ng dating presidential adviser ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Michael Yang katuwang ang negosyanteng si Allan Lim.
Ang sindikatong ito ay sangkot sa iba’t ibang kriminal na gawain mula sa pagpupuslit ng droga, money laundering, hanggang sa pagpapatakbo ng mga iligal na POGO na isinasagawa kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Sa pagdinig, kapwa iprinesinta nina Suarez at Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang isang detalyadong matrix na nagpapakita kung paano pinamunuan nina Yang at Lim, kasama ang kanilang mga kapwa Chinese, ang nasa likod ng isang malawak na criminal network.
Dagdag pa ni Suarez, natuklasan sa mga pagdinig ang mas malalim na ugnayan ng operasyon ng POGO sa mga kriminal na gawain, na nasa likod ng lehitimong gaming operations, talamak ang mga iligal na aktibidad gaya ng human trafficking, money laundering, at mga krimeng may kinalaman sa droga.
Ipinunto rin ng mambabatas ang nakakabahalang pagdami ng mga extrajudicial killings na konektado sa iligal na industriya ng POGO.
Binanggit pa niya na kahit na may mga hakbang nang isinasagawa ang gobyerno upang ipasara ang mga operasyon ng POGO, hindi dapat huminto ang laban sa mga iligal na aktibidad na ito.
Nanawagan rin si Suarez para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at mga reporma sa polisiya upang mapigilan ang pagbabalik ng mga ganitong uri ng operasyon sa hinaharap.
Pinasalamatan din ni Suarez ang isinasagawang imbestigasyon ng Quad Comm, na may malaking bahagi sa pagtuklas ng lalim ng problema.