Kinuwestiyon ni House Deputy Speaker Lito Atienza ang request ng Department of Health (DOH) na P1 billion na pondo para sa pag-aangkat ng anti-viral drug na remdesivir na ginagamit sa COVID-19 treatment.
Iginiit ni Atienza na ang naturang gamot ay masyadong mahal at hindi rin napatunayan pang epektibo laban sa COVID-19.
Mismo ang World Health Organization ay hindi rin aniya inirerekomenda ang paggamit ng remdisivir bilang COVID-19 treatment, pero tila hindi aniya nakikinig ang DOH patungkol dito.
Hirit pa ni Atienza, bakit hindi aniya inaaksyunan ng DOH ang paggamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin sa COVID-19 treatment eh hindi hamak aniyang mas mura naman ito kumpara sa remdesivir.
Nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ginagamit na sa 50 ospital ang remdesivir, at inirekomenda at aprubado na rin ng local experts tulad ng Philippine Society of Microbiology and Infectious Disease ang paggamit nito.
Handa aniya ang DOH sakaling maimbestigahan ang usapin na ito, sabay giit na wala silang tinatago rito.