Tiniyak ng House Committee on Appropriations na agad nilang agad silang magtatrabaho matapos pormal nang natanggap ng House of Representatives ang panukalang P5.768 trilyong pambansang badyet para sa 2024 mula sa executive department.
Nangako naman si Panel chair at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co na dadaan sa masusing pagsisiyasat ang 2024 National Expenditures Program (NEP).
Siniguro din ni Co na gagawin nila ang lahat para mabilis ang pagpasa ng pambansang plano sa paggasta bilang target ng Kamara na aprubahan ito bago magpahinga ang Kongreso sa buwan ng Oktubre.
Binigyang-diin ng mambabatas na nakahanda na rin ang mga miyembro nito na rebyuhin ang bawat aspeto sa budget proposal.
Tiniyak din ni Co na magiging transparent at epektibong budgetary process ang kanilang ipatutupad para sa interes ng bansa at ng sambayanang Pilipino.
Ipinunto din ni Co na ang Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay naglalayon na magbigay ng lubhang kailangan na suportang pinansyal sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyong Marcos Jr. at iayon sa mga layunin ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Nakatakdang simulan ng House Committee on Appropriations ang briefing sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa panukalang 2024 national budget sa Agosto 10 habang tinitingnan ang mga debate sa plenaryo simula Setyembre 18,2023.
Target ng House of Representatives na maihatid ang 2024 General Appropriations Bill sa Senado sa katapusan ng Setyembre.