-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Sinalakay ng aabot sa walong mga armado ang isang hotel sa isla ng Boracay, Sabado ng gabi.

Batay sa ulat ng Philippine National Police sa kabutihang palad agad na nakaresponde ang pulisya dahilan kaya napigilan ang gulo at walang nasaktang staff at bisita ng Cerca Hotel.

Ayon sa Malay PNP, habang nakaupo sa lobby ng naturang hotel ang apat na staff kasama ang assistant manager, nagulat sila ng biglang dumating ang apat na lalaki na nakasibilyan.

Isa umano sa mga suspek na kinilalang si Jomar Guevarra ang dumukot ng baril sa kanyang sling bag at itinutok sa kanila.

Nagtakbuhan ang mga ito sa sobrang takot.

Makalipas ang ilang minuto bumalik sila upang kunin ang mga gamit.

Dito na raw nila nakita ang kasama ni Guevarra na si Carlos Ingo na nagpapalit ng damit na pang security guard.

Naaresto sa lugar ang iba pang mga suspek na sina Conrad Ilagan, Jomar Solano, Roqui Tumbagahan, Gardie Maming, Mel Jhon Fernandez, at Baldonero Torres.

Nakuha sa grupo ang isang 9mm na baril at shotgun.

Samantala, binati ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao, Jr. ang mga tauhan ng Malay Municipal Police Station sa mabilis na pag-responde sa lugar.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pangyayari at motibo ng mga suspek na maaring maharap sa kasong grave coercion.