-- Advertisements --
aparri vice mayor ambush

Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation at strong check points ngayon ng Philippine National Police sa buong lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ito ay kasunod pa rin ng insidente ng pananambang sa bise alkalde ng Aparri, Cagayan bandang alas-8:45 ng umaga kahapon sa bahagi ng National Highway, Kinacao, Baretbet, Bagabag. Nueva Vizcaya kung saan nasawi si Aparri Vice Mayor Rommel Alameda, kabilang ang lima pang indibidwal na kasama niya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ng Chief of Police ng Bagabag Police Station na si PMaj. Oscar Abrogena na sa naging habulan ng pulisya at mga suspek ay natukoy nito ang sasakyan at ang plate number na gamit ng mga ito.

Aniya, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Aparri ukol sa nasabing insidente at bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office para tutuklan ang imbestigasyon sa nasabing krimen.

Dagdag pa ni Abrogena, posibleng ang mismong bise alkalde talaga ang planong tumbukin ng mga salarin ngunit hanggang sa ngayon ay nananatgili pa ring palaisipan sa naiwang pamilya at mga otoridad ang motibo sa naturang insidente.

Kaugnay nito ay binigyang-diin naman ng lokal na pulisya na hindi lehitimong miyembro ng PNP ang mga suspek sa nasabing krimen.

Ito ay matapos na mapaulat na nakasuot ang mga ito ng pixelized uniform ng Pambansang Pulisya nang pagbabarilin nila ang mga biktima.

Ayon kay Abrogena, ang pagsusuot ng uniporme ng pulisya ay ginamit lamang ng mga salarin para itago ang kanilang mga pagkakakilanlan.

Kung maaalala, batay sa report ng Bagabag PNP, si Vice Mayo Alameda at mga kasamahan nito ay sakay ng isang kulay itim na Hyundai Starex na may plakang KOV 881 nang tambangan ng anim na suspek nasakay naman ng isang puting Mitsubishi Adventure na may plakang SFN 713.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga biktima gamit ang iba’t-ibang uri ng baril na siyang ikinasawi ng mga ito na kinabibilangan nina Alexander Agustin Delos Angeles, 47 anyos ng Minanga, Aparri, Cagayan; Alvin Dela Cruz Abel, 48 years old, res of Minanga, Aparri, Cagayan; Rommel Gerali Alameda, 49 years old, ng Albarado St, Centro 14, Aparri Cagayan; Abraham Dela Cruz Ramos Jr, 48 anyos ng Minanga, Aparri Cagayan: John Duane Banag Almeda, 46 anyos ng Centro 14, Aparri, Cagayan at ang isa pa nilang kasamahan na hindi parin natutukoy ang pagkakakilanlan.