Kinuwestiyon ng Philippine Hospital Association (PHA) ang mabagal na pagbabayad ng PhilHealth sa mga medical facilities na mayroong COVID-19 claims sa ilalim ng debit-credit payment method (DCPM).
Mababatid na binuo ang DCPM noong nakaraang buwan matapos na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PhilHealth na bilisan ang reimbursement sa mga claims ng ospital na nasa high at critical risk areas dahil sa surge sa COVID-19.
Sa ilalim ng DCPM, kailangan na mag-applu at pumirma ng mga ospital sa isang undertaking na nagsasabi na makakatanggap sila ng 60 percent ng kabuuang halaga ng kanilang receivables pero subject sa 2 percent expanded withholding tax.
Pero ayon kay PHA president Dr. Jaime Almora, hindi malinaw para sa mga medical facilities ang ilan sa mga probisyon na nakasaad sa ilalim ng mga undertakings na ito.
Hindi katulad ng interim-reimbursement mechanism, na sinuspinde noong nakaraang taon, ay mabagal ang pagproseso sa mga claims ng mga hindi nag-apply sa debit-credit payment method.
Hindi aniya nila maintindihan na kailangan ngang bilisan ang reimbursement sa mga ospital pero kailangan pa aniyang mag-apply sa debit-credit payment method at pumirma sa undertaking para rito.
Nabatid na P28 billion ang utang ng PhilHealth sa mga private hospitals, base na rin sa assesment ng PHA ngayong buwan.