Pinaalalahanan ni Sen. Risa Hontiveros ang pamahalaan na pumreno muna sa aniya’y mga gimik at pagbabanta sa taumbayan kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas.
Dahil sa COVID-19 pandemic, mahalaga raw na marinig ng mamamayang Pilipino kung ano pang plano ng gobyerno para hindi maibsan ang pagdurudusa ng publiko sa epekto ng pandemya.
“Sa 2020 SONA, hindi pwedeng magpaligoy-ligoy ang gobyerno. Hindi na masisilaw ng gimik, teatro, o mga pagbabanta ang taumbayan. No theatrics, no threats. Kailangan ang pagpapakita ng tunay na malasakit sa pakikinig sa mga hinaing ng Pilipino at pagtugon sa pang-araw-araw nating pangangailangan.”
Inaasahan din daw ng minority senator na maglalatag ang pangulo ng mga plano para makabangon nang tuluyan ang ekonomiya, na mapapakinabangan ng nakakaraming nawalan ng trabaho.
“Sa ikalimang SONA ng administrasyong ito, karapatan nating lahat na marinig ang isang komprehensibong plano para masugpo ang COVID-19 at tugunan ang pagkalugi ng mga maliliit na negosyo, at ang kawalan ng trabaho ng maraming Pilipino. This plan is long-overdue.”
Ani Hontiveros, nawa’y kunin ng MalacaƱang ang pagkakataon para aminin ang mga naging pagkukulang ng administrasyon sa responde nito, kasabay nang pangakong paiigtingin pa ang mga hakbang para sa publiko.
“Karapatan ng taumbayan na marinig ang sinserong pag-ako at paghingi ng tawad ng pamahalaan – sa delayed response mula noong naitala ang pinaka-unang kaso ng COVID-19 sa bansa, sa kawalan ng preparasyon at plano, at sa kulang na suporta sa mga LGUs at frontliners.”
“Ngayong may mga alegasyon ng korapsyon at hindi sapat na ayuda para sa mga nangangailangan, dapat ay magpatupad ang pamahalaan ng independent audit para mapanatag tayo na bawat piso ay napupunta sa pagtulong sa taumbayan.”
Walong senador lang ang inimbitahan nang personal na dumalo sa Batasang Pambansa para saksihan ang SONA ng presidente. Pero dadalo pa rin via online ang ilan pang mambabatas na hindi pupunta ng Kamara.